Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli.
Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang lahat ng nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.
Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng DOJ ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.
Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.
Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng oportunidad para sa lahat.
Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga negosyo.


