13 iba’t ibang karaniwang sanhi ng mga pantal sa katawan

·7 min read

Nakakaramdam ka ba ng pangangati sa iyong balat, at may tumutubo pang pantal? Alamin rito ang iba-ibang posibleng sanhi ng pantal sa katawan.

Mababasa sa artikulong ito:

  • 13 sanhi ng mga pantal sa katawan

  • Paano makakaiwas sa rashes at pangangati ng balat?

Ang ating balat ang isa sa pinakasensitibong bahagi ng ating katawan. Kaunting dumi o alikabok lang, maari na itong mamula o kaya magkaroon ng mga butlig-butlig o pantal sa katawan na tinatawag ring rashes.

Subalit ano ba ang sanhi ng mga ito?

Maraming pwedeng dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pantal o pangangati sa katawan ang isang tao. Minsan, ito ay dahil sa simpleng pagka-irita lang ng balat ng tao. Subalit minsan, depende sa mga kasamang sintomas, maari itong senyales ng isang medikal na kondisyon o karamdaman.

Iba’t ibang sanhi ng pantal sa katawan

Narito ang ilan sa mga karaniwang sanhi ng pantal sa katawan:

  • Contact dermatitis

Ito ang pinakakaraniwang sanhi ng pangangati ng balat. Nangyayari ito kapag ang balat ay nadadampi sa isang bagay na nagdudulot ng masamang reaksyon rito. Nagdudulot ito ng pamumula, pamamaga o pagpapantal sa mga bahagi ng katawan.

Ilan sa mga bagay na posibleng magdulot ng contact dermatitis ang mga sumusunod:

  • beauty products, mga sabon sa katawan at sabong panlaba

  • mga dye na natatagpuan sa ating damit

  • rubber o latex products

  • paghawak ng mga halamang may lason gaya ng poison oak, poison ivy, o poison sumac

Kapag nangyari ito, mas mabuting hugasan agad ang balat ng maligamgam na tubig at antibacterial soap. Kumonsulta rin sa iyong dermatologist upang malaman kung anong mga bagay ang dapat mong iwasan.

  • Kagat ng lamok

pantal sa katawan
pantal sa katawan

Larawan mula sa iStock

Nagdudulot ng malaking pantal at pangangati ng balat ang kagat ng lamok kaya malalaman mo kaagad kapag mayroon ka nito. Kusa namang pumapatag ang mga pantal na ito. Bukod sa pamamantal at rashes, kailangang mag-ingat mula sa kagat ng lamok dahil maari itong magdulot ng mga matitinding sakit.

  • Eczema

Ang eczema isang kondisyon sa balat kung saan pabalik-balik ang pangangati at pamumula nito. Kapag umaatake ang eczema o nagkakaroon ng “flare ups,” maaaring makapansin ng mapupulang patches o rashes sa balat.

Nangyayari ang eczema kung mayroong depekto ang ating filaggrin, isang uri ng protein sa balat na pumoprotekta laban sa allergen, mga kemikal sa kapaligiran at dryness.

Kadalasan, ang kondisyong ito ay namamana. At ilan sa mga bagay na maaring magdulot ng paglabas ng mga rashes na ito ay ang pagbabago sa panahon, allergens gaya ng alikabok, pollen at balahibo ng hayop, mga produktong may halong pabango, at maging ang ating pawis.

  • Mamaso

Ang impetigo o mamaso sa Tagalog ay mapulang patse o spots sa balat, kumpol-kumpol at kitang-kita ang impeksiyon dahil basa at makati.

Ayon kay Dr. Barbara Marcelo, isang dermatologist at eksperto sa infectious diseases, maaring mangyari ito kapag ang mga pantal o rashes ay patuloy na kinamot at magsugat. Kapag nagkaroon ng mga hiwa sa balat, nakakapasok ang bacteria na Streptococcus pyogenes at Staphylococcus aureus sa outer layer ng balat o epidermis. Kaya mas mataas ang posibilidad ng mga taong may sakit sa balat gaya ng eczema na magkaroon ng mamaso.

Ani Dr. Marcelo, kailangang maagapan ito kaagad dahil kapag lumalim ang bacteria, maari itong magdulot ng cellulitis, isang matinding sakit sa balat.

  • Diaper rash

pantal sa katawan
pantal sa katawan

Larawan mula sa iStock

Isa rin itong uri ng contact dermatitis sa mga bata. Nagkakaroon rin ng mga pantal ang mga baby kapag hindi sila hiyang sa ginagamit nilang diaper, o kaya naman ay hindi pinapalitan agad ang basa o maruming diaper ng bata.

  • Scabies

Ang pangangating na ito ay sanhi ng napakaliit na insektong tinatawag na Sarcoptes scabiei. Kapag na-infect nito ang iyong balat, maaring umabot ng hanggang 6 na linggo bago lumabas ang pamumula at pangangati ng balat. Malalaman mo na scabies ang dahilan ng iyong rashes kung mas matindi ang pangangati nito sa gabi.

  • Psoriasis

Ito naman ay isang kondisyon sa balat na epekto ng isang autoimmune condition na nagdudulot ng mabilis na paggawa ng skin cells. Kaya naman sa dami nito, namumuo at nagpapatong-patong ito at nangangati hanggang sa magbalat na lang.

Mapapansin ang mga puting kaliskis sa balat, na siyang kakapal at mangangati. Minsan naman ay nagka-crack na lang at nagdurugo ang balat.

Bagamat hindi nakakahawa ang kondisyong ito, maari itong ma-trigger ng stress at labis na pag-inom ng alak.

  • Allergies

Kung mayroon kang allergy sa pagkain o gamot, maari rin itong magdulot ng mga pantal sa katawan. May mga rashes sanhi ng allergies na mild lang at kusang nawawala, subalit mayroon rin namang sintomas ng pagkakaroon ng mas matinding reaksyon at kailangang maagapan.

pantal sa katawan
pantal sa katawan

Larawan mula sa iStock

Narito naman ang ilang posibleng sanhi ng mga rashes at pantal na maaring dulot ng infection o karamdaman:

  • Rosacea

Ito ay isang sakit sa balat na hindi pa alam kung ano talaga ang pinagmulan. Subalit mailalarawan ito ng maliliit at mapupulang pantal sa balat na minsan ay mayroon parang nana. Mas madalas itong matagpuan sa mga bahagi ng mukha gaya ng pisngi, ilong at noo.

BASAHIN:

  • Tigdas

Ito ay isang nakakahawangrespiratory disease (apektado ang baga at breathing tubes) na nagiging sanhi ng mataas na lagnat at rashes o maliliit at mapupulang pagpapantal sa balat, sa buong katawan. Bukod sa mga rashes, maari ring samahan ito ng ubo, sipon, pagtatae at pamumula ng mata.

  • Chickenpox

Ang chickenpox o bulutong ay isa ring nakakahawang sakit na sanhi ng varicella-zoster virus. Bukod sa pagkakaroon ng mapupulang pantal na kadalasang matatagpuan sa mukha, likod at tiyan ng bata, sinasamahan rin ito ng mga sintomas gaya ng lagnat at pananakit ng katawan.

Tumatagal ito sa loob ng 10 araw, subalit kapag hindi maagapan at gamutin ng tama, maari itong magdulot ng matitinding komplikasyon tulad ng pneumonia at encephalitis.

  • Hand, foot, and mouth disease

Ito ay isang viral infection na nagdudulot ng mga sugat sa bibig at rashes sa mga kamay at paa. Kadalasang nabibiktima ng sakit na ito ang mga bata. Nakakahawa rin ang sakit na ito, na posibleng samahan ng mga sintomas gaya ng sipon, pananakit ng lalamunan at lagnat.

  • Scarlet fever

Isa pang sakit na nagdudulot ng mga pantal sa katawan ng mga bata ay ang scarlet fever. Sanhi ito ng infection na nagdudulot ng strep throat. Bukod sa mapupula at magaspang na rashes sa buong katawan (maliban sa kamay at paa), nagdudulot rin ito ng pananakit ng lalamunan at mataas na lagnat.

Paraan ng pangangalaga sa balat

  • Gumamit ng mga produktong banayad sa balat. Iwasan ang mga sabon na mas matatapang na ingredients at pabango.

  • Gumamit ng maligamgam na tubig sa paghuhugas ng iyong katawan.

  • Kung mayroong pantal o rashes, huwag itong takpan at hayaan itong makahinga.

  • Kung mayroong rashes, iwasan munang gumamit ng makeup at anumang pinapahid sa mukha.

  • Iwasan ring kamutin ang mga pantal para hindi ito magsugat at magdulot ng infection.

  • Maglagay ng over-the-counter hydrocortisone cream sa bahagi na may rashes para mabawasan ang pangangati.

  • Gumamit ng dandruff shampoo para sa makating ulo at anit.

  • Iwasan rin ang paglapit sa mga taong may sakit para hindi mahawa.

  • Huwag ring manghihiram ng mga personal na gamit ng isang tao tulad ng kaniyang sabon, tuwalya o maging unan.

  • Panatiliin ring malinis ang iyong katawan pati na rin ang iyong tahanan at kapaligiran.

pantal sa katawan
pantal sa katawan

Larawan mula sa Freepik

Kung mayroon kang katanungan tungkol sa iyong mga pantal at iba pang sakit sa balat, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong dermatologist o pediatrician ng iyong anak.

Source:

Healthline, Medical News Today, WebMD

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

The post 13 iba’t ibang karaniwang sanhi ng mga pantal sa katawan appeared first on theAsianparent Philippines: Your Guide to Pregnancy, Baby & Raising Kids.

Our goal is to create a safe and engaging place for users to connect over interests and passions. In order to improve our community experience, we are temporarily suspending article commenting