6 warning signs ng goiter o problema sa thyroid na dapat bantayan

·6 min read

May nakakapa ka bang bukol sa iyong leeg? Alamin rito ang mga sintomas ng goiter at iba pang problema sa thyroid.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Ano ang goiter at ang mga uri nito?

  • Sintomas ng goiter at thyroid problems na dapat bantayan

  • Ano ang hyperthyroidism at hypothyroidism?

Ano ang goiter?

Ang goiter ay ang paglaki ng iyong thyroid gland. Ito ay matatagpuan sa harap ng iyong leeg, sa bandang ibaba ng iyong Adam’s apple.

Ang thyroid ang bahagi ng ating katawan na may kinalaman sa ating metabolism na gumagawa ng enerhiya sa katawan mula sa pagkain. Gayundin, kapag ang isang tao ay may problema sa thyroid, maaring apektado ang pagtibok ng kaniyang puso, paghinga, digestion at maging ang kaniyang emosyon.

Ayon sa Healthline, kahit sino ay maaring magkaroon ng goiter, subalit mas karaniwan itong nakikita sa mga kababaihan.

Mga uri ng goiter

Dahil maraming bagay ang pwedeng magdulot ng pamamaga ng iyong thyroid, narito ang ilang uri ng goiter na madalas na nakikita ng mga doktor sa kanilang mga pasyente:

Simple goiters – ito ay nangyayari kapag ang iyong thyroid gland ay hindi nakakagawa ng sapat na hormones, na nagdudulot ng paglaki ng iyong thyroid gland.

Endemic goiters – Minsan tinatawag na colloid goiters, ito ay sanhi ng kakulangan ng iodine sa iyong diet. Ang iyong thyroid ay gumagamit ng iodine upang maglabas ng sapat na hormones.

Sporadic or nontoxic goiters – kadalasan na wala itong dahilan,subalit may mga ilang gamot at medikal na kondisyon na posibleng nakakatrigger sa pagkakaroon nito.

Multinodular goiters – ito’y nangyayari kapag may tumutubong maliliit na bukol o nodules sa iyong thyroid. Ang mga nodules na ito ay maaring lumaki at gumagawa rin ng thyroid hormones na nagdudulot ng hyperthyroidism. Ito ang labis na paggawa ng hormones ng iyong thyroid gland.

Mga posibleng sanhi ng goiter at problema sa thyroid

Iron deficiency ang pangunahing sanhi ng goiter. Kailangan kasi ang bitaminang ito para magproduce ng sapat na thyroid hormones ang ating katawan. Kapag kulang tayo sa iodine, nagiging masyadong aktibo ang ating thyroid gland, dahilan para lumaki o mamaga ito.

Ang pamamaga ng thyroid o thyroiditis ay pwedeng maging dahilan upang magkaroon ng goiter. Pwede mo itong makuha kapag nagkaroon ka ng viral infection o pagkatapos manganak.

Ang isang klase ng thyroiditis ay tinatawag na Hashimoto’s thyroiditis, ay inilalarawan kapag hindi nakakagawa ng sapat na thyroid hormones ang thyroid gland, na tinatawag ring hypothyroidism. Kapag mababa ang hormones, nagiging senyales ito sa pituitary gland na gumawa ng mas maraming thyroid-stimulating hormone (TSH), kaya lumalaki ito.

Isa pang posibleng dahilan ng goiter ay ang sakit na Graves’ disease, na nangyayari kapag masyadong maraming hormones ang nagagawa ng iyong thyroid glands kaysa sa karaniwan, o tinatawag ring hyperthyroidism.

BASAHIN:

Mga taong high-risk sa pagkakaroon ng goiter

Narito ang mga taong mataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit na ito:

  • May family history ng thyroid cancer, nodules, at iba pang sakit sa thyroid

  • Walang sapat na iodine sa kanilang diet

  • May kondisyon na nagbabawas ng iodine sa katawan

  • Mga babae

  • May edad na 40 pataas

  • Buntis o nakakaranas ng menopause

  • Sumailalim sa radiation therapy sa bahagi ng leeg o dibdib

Sintomas ng goiter

Bukod sa bukol o pamamaga sa iyong leeg, narito ang ilan pang sintomas ng pagkakaroon ng goiter:

  • Napapaos na boses

  • Paninikip ng iyong lalamunan

  • Pagkahilo kapag itinataas ang kamay

  • Pamamaga ng mga ugat sa leeg

  • Pag-ubo

  • Nahihirapan huminga o lumunok

Kapag mayroon kang “toxic” goiter na may kasamang hyperthyroidism, maaari kang makaranas ng :

  • Pagpapawis

  • Pagtatae

  • Mabilis na pagtibok ng puso

  • Panginginig

Ito naman ang ilang karagdagang sintomas ng goiter at hypothyroidism:

  • Panunuyo ng balat

  • Fatigue o matinding pagod

  • Pagdagdag ng timbang

  • Constipation

  • Pagkakaroon ng irregular na period

sintomas ng goiter
sintomas ng goiter

Larawan mula sa iStock

Pag-diagnose ng sakit na goiter

Para matukoy ng iyong doktor kung mayroon kang goiter, maari siyang magsagawa ng isang physical exams kung saan hahawakan niya ang iyong leeg at uutusan kang lumunok habang sinusuri ang iyong lalamunan. Kakapain rin niya ito para malaman kung mayroong mga nodules.

Maari ka ring sumailalim sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng hormone test (para matukoy kung marami o kaunti ang thyroid hormone sa iyong dugo), antibody test, ultrasonography (para itong ultrasound sa bahaging ito ng katawan) at thyroid scan.

sintomas ng goiter
sintomas ng goiter

Mga posibleng gamot sa goiter

Depende sa laki at sintomas ng goiter na iyong nararanasan, maaring ipayo ng iyong doktor ang ilang paraan para para malunasan ang sakit na ito.

Oobserbahan muna ito at aalamin kung ito ba ay lumalaki at nagdudulot ng ibang problema. Kung mild lang ang sintomas na iyong nararamdaman, maaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot para maagapan ang iyong goiter.

Sa kaso ng hypothyroidism, isang thyroid hormone replacement kasama ang levothyroxine (Levoxyl, Synthroid, Tirosint) ay pwedeng maging lunas nito para bumagal ang paggawa ng pituitary gland ng TSH at lumiit ang bukol sa iyong leeg.

Maari rin siyang magbigay ng aspirin o corticosteroid para sa pamamaga ng thyroid gland, at mga gamot para maging normal ang paggawa ng hormones kung mayroon kang hyperthyroidism.

Kung hindi na maaagapan ng mga iniinom na gamot, at nakakaramdam ng hirap sa paghinga o paglunok, posibleng irekomenda ng iyong doktor na sumailalim ka sa isang surgery para maalis ang bahagi ng iyong thyroid. Isa rin itong paraan para makaiwas sa paglala ng goiter at pagkakaroon ng thyroid cancer.

Para sa mga taong may toxic multinodular goiters, maaring irekomenda ang radioactive iodine (RAI) na uri ng gamutan. Ito ay ibinibigay bilang isang gamot na iniinom at pumupunta sa iyong dugo, kung saan pinupuksa nito ang overactive thyroid tissue.

Lifestyle at mga home remedies

Makakatulong rin ang ilang home remedies at pagkakaroon ng pagbabago sa iyong lifestyle para malabanan o maiwasan ang pagkakaroon ng goiter.

Isa sa mga dapat tandaan ang ang pagkakaroon ng sapat na iodine sa iyong diet.

Para masiguro na nakakakuha ng sapat na iodine, gumamit ng iodized salt o kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitaminang ito gaya ng seafood o seeweed – dalawang beses kada linggo.

Kung nakatira ka malapit sa baybayin, ang mga lokal na prutas at gulay ay malamang na naglalaman ng ilang iodine, pati na rin ang gatas ng baka at yogurt.

Subalit, huwag namang sobra. Iwasan ang labis na dami iodine sa katawan. Bagamat hindi ito karaniwan, ang pagkakaroon ng labis na iodine ay minsan ay maari ring mauwi sa goiter.

Bukod sa problema sa iyong thyroid, maari rin itong maging sanhi ng altapresyon o sakit sa bato. Kaya iwasan ang sobrang pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat at pagdadagdag ng iodized salt sa mga pagkain na natimpla na.

Iwasan rin ang pag-inom ng alak, kung maaari. At kung gagamit ka ng mga contraceptives o iba pang gamot na may kinalaman sa iyong hormones, tanungin muna ang iyong doktor kung ligtas ba ito sa iyo at hindi maaapektuhan ang iyong thyroid.

Gayundin, kung mayroon kang katanungan tungkol sa iba pang sintomas ng goiter at mga lunas nito, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.

Sources:

WebMD, Mayo Clinic ,Healthline

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

The post 6 warning signs ng goiter o problema sa thyroid na dapat bantayan appeared first on theAsianparent Philippines: Your Guide to Pregnancy, Baby & Raising Kids.

Our goal is to create a safe and engaging place for users to connect over interests and passions. In order to improve our community experience, we are temporarily suspending article commenting