9 dagdag na ruta para sa modern jeepneys sa Metro Manila, binuksan ng LTFRB

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Siyam pang ruta ang binuksan ngayong Miyerkules para sa mga pumapasadang modern jeepney sa Metro Manila, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB na ang siyam na bagong ruta ay ang mga sumusunod:

  • PITX – Lawton
  • PITX – Nichols
  • PITX – SM Southmall
  • Alabang – Zapote
  • Eastwood, Libis – Capitol Commons
  • Bagong Silang – SM Fairview
  • Parang, Marikina – Cubao
  • Malanday – Divisoria via M.H. del Pilar
  • Gasak – Recto via Dagat-dagatan

Ang mga rutang ito ay karagdagan sa 15 ruta na inisyal na binuksan ng LTFRB noong Lunes para sa mga modern jeepney na pinayagan nang pumasada sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR).

Tiniyak naman ng pamunuan ng PITX na naipatutupad nang maayos ang bagong sistema sa pagsakay ng mga commuter bagama’t may pagkakataong matagal ang ipinaghihintay dahil sa kakaunting bilang ng tumatakbong mga modern jeepney unit.

“Kasi ayaw din naman nilang palargahin ito ng basta basta kung wala rin naman silang kikitain. Dapat nating maunawaan na may agam-agam din y’ong ating mga pampublikong sasakyan dahil sa ngayon nga, nag-o-operate sila at half capacity,” ani Jayson Salvador, ang Head ng PITX Corporate Affairs.

Sinabi rin ni Salvador na contactless smart cards o mobile apps na ang ginagamit sa PITX para sa pagpapatupad ng cashless transaction, alinsunod sa mga regulasyon na inilatag ng Department of Transportation.

P100 ang halaga ng bagong smart cards na ginagamit ng ilang transport operators sa PITX. May kasama na itong P50 load na magagamit na pamasahe.

Samantala, sa June 26 naman ay 10 pang ruta ang nakatakdang buksan ng LTFRB para sa mga modern jeepney:

  • Quirino Highway – UP Town Center
  • SM Fairview – Commonwealth via Regalado Ave.
  • QMC Loop
  • Tikling – Binangonan
  • Antipolo – Pasig via East Bank Road
  • Rosario – Pinagbuhatan Pasig
  • West Aveune – P. Noval via Del Monte
  • Biñan – Balibago via Manila South Road
  • Tramo – Sucat
  • San Isidro – Congressional Junction Dasmarinas

Layon nitong mapagsilbihan ang mas marami pang commuters sa ibang panig ng Metro Manila at karatig lugar na pinayagan nang bumalik sa trabaho kasabay ng pagluluwag ng community quarantine restrictions.

Una nang sinabi ng Department of Transportation na gradual o gagawin sa dalawang bahagi ang pagbabalik-operasyon ng pampublikong transportasyon upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)

The post 9 dagdag na ruta para sa modern jeepneys sa Metro Manila, binuksan ng LTFRB appeared first on UNTV News.