ALAMIN: Health protocols na ipinatutupad sa modern jeepneys

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Umarangkada na simula ngayong Lunes, Hunyo 22 ang biyahe ng mga pampasaherong modern jeepney sa Metro Manila.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 308 units ang pumasada sa 15 inisyal na rutang binuksan ng ahensya kasabay ng pagsisimula ng phase 2 ng pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Ang 15 ruta na pinayagan ng LTFRB ay ang mga sumusunod:

  • Novaliches – Malinta via Paso de Blas
  • Bagumbayan Taguig – Pasig via San Joaquin
  • Fort Bonifacio Gate 3 – Guadalupe-Market Market-ABC Loop Service
  • Pandacan – Leon Guinto
  • Quezon Avenue – LRT 5th Avenue Station
  • Cubao (Diamond) – Roces Super Palengke
  • EDSA Buendia-Mandaluyong City Hall via Jupiter, Rockwell
  • Divisoria-Gasak via H. Lopez
  • Punta-Quiapo via Sta. Ana
  • Boni Pinatubo – Stop and Shop, vice versa
  • Boni Robinson’s Complex-Kalentong/JRC vice versa
  • Nichols-Vito Cruz
  • Filinvest City Loop
  • Alabang Town Center (ATC)-Ayala Alabang Village
  • Vito Cruz Taft Avenue-PITX Loop Service

ANO ANG DAPAT MALAMAN NG MGA SASAKAY NG MODERN JEEPNEY?

Bago sumakay ang pasahero, kailangang gawin ang mga sumusunod:

  • Kunin ang body temperature upang malaman kung may lagnat o wala
  • Maglagay ng sanitizer o rubbing alcohol sa kamay
  • Magsuot ng face mask dahil ipinatutupad ang ‘no face mask, no entry’ policy

Kapag nakasakay na sa loob ng jeep:

  • Umupo lamang sa mga lugar na may markings upang mapanatili ang social distancing.
  • Isulat ang pangalan, address at contact number sa isang papel na ibibigay ng “passenger assistance officer” para sa posibleng contact tracing sakaling may pasaherong mag-positibo sa coronavirus.

Ang driver at passenger assistance officer ay kailangan ding nakasuot ng face shield, face mask at gloves upang makaiwas sa coronavirus.

Paalala naman ng mga otoridad, kalahati lang ng maximum capacity ng jeep ang maaaring isakay na pasahero upang matiyak na hindi sila magsisiksikan sa loob.

Sa mga susunod na araw ay ilang ruta pa ng modern jeepney ang inaasahang mabubuksan sa Metro Manila. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Dante Amento)

The post ALAMIN: Health protocols na ipinatutupad sa modern jeepneys appeared first on UNTV News.