Baguio City, nasa 2nd wave ng infection; pagpapatupad ng checkpoint at lockdown, mas hihigpitan – Magalong

Robie de Guzman
·2 min read

Magpapatupad ng mas mahigpit na checkpoint at border control ang Baguio City government kasunod ng pagtaas ng kaso ng novel coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod, ayon kay Mayor Benjamin Magalong.

Naniniwala si Magalong na nasa ikalawang bugso na ng COVID-19 infections ang lungsod kasunod ng mga ulat ng panibagong kaso.

Aniya, lumobo ang kaso matapos dumagsa ang mga tao sa mga mall, palengke at iba pang pampublikong lugar sa siyudad at pag-uwi ng maraming locally-stranded individuals kasunod ng pagluluwag sa antas ng quarantine.

“We’re now experiencing the second wave yah were now on the second wave nag-flatten na tayo eh,” ani Magalong.

Upang mapigilan ang muling pagdami ng COVID-19 infections sa lungsod, sinabi ng alkalde na ilalagay sa lockdown ang buong lungsod tuwing araw ng linggo.

Mas hihigpitan rin ang pagbabantay sa mga checkpoint upang masegurong nasusunod ang ipinaiiral na health protocols.

Inatasan na rin ni Magalong ang mga ospital sa lungsod na maghanda sa posibleng muling pagdami ng mga pasyenteng magpapa-konsulta.

“This is a result of opening up the economy so we just have to innovate, continue innovation, very aggressive sa contact tracing and then sa testing,” sabi ng alkalde na nagsisilbi rin bilang national contact tracing czar sa gitna ng pandemiya.

“I issued an executive order requiring barangay officials be more vigilant, and the encourage flu-like symptoms to report to the barangay so that they can be PCR-tested,” dagdag pa niya.

Noong Hulyo 27, pumalo na sa 98 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod; dalawa sa mga ito ang nasawi, 51 ang gumaling habang nasa 45 naman ang kasalukuyan pang naka-confine sa medical facilities. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Grace Doctolero)

The post Baguio City, nasa 2nd wave ng infection; pagpapatupad ng checkpoint at lockdown, mas hihigpitan – Magalong appeared first on UNTV News.