Balik-operasyon ng mga paliparan sa Western Visayas sa June 16, pinaghahandaan na ng CAAP

Robie de Guzman

Todong paghahanda ang ginagawa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa inaasahang pagbabalik-operasyon ng mga paliparan sa Western Visayas sa June 16.

Kasabay ng pagbubukas ng mga paliparan, papayagan na rin ang commercial flights bagama’t limitado lang ang kapasidad nito.

Ngayong Lunes, nagsagawa ng simulation ang CAAP sa Roxas Airport sa Capiz para sa mga bagong protocol na ipatutupad sa paliparan.

Kabilang na dito ang pag-check sa temperature ng lahat ng papasok sa pasilidad; pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng physical distancing at malimit na disinfection upang maiwasan ang pagkalat ng novel coronavirus disease (COVID-19).

Magpapatupad rin ng non-contact system para sa security check; at maglalagay ng decontamination areas, hand-washing spaces at foot baths sa airport terminals at parking areas.

Kahalintulad na hakbang rin ang planong ipatupad sa Godofredo P. Ramos Airport sa Aklan, Evelio Javier Airport sa Antique, at sa Iloilo International Airport.

Sa Bacolod-Silay Airport naman, ilang thermal scanners na ang inilagay upang mas mabilis ang pagkuha ng temperatura sa mga pasahero.

Gagawin ring regulated ang flights upang maiwasan ang crowding o pagdagsa ng mga pasahero sa airport terminals.

Ayon sa CAAP, isang simulation rin ang isasagawa nila bukas ng umaga sa Kalibo International Airport.

Sinabi ng ahensya na ang bagong prosesong ito ay upang mapigilan ang pagdami ng COVID-19 cases lalo na at inaasahan ang paguwi ng maraming overseas Filipino workers na sumailalim sa quarantine pati na ng mga residenteng inabutan ng community quarantine sa ibang lugar.

Simula noong June 1, nasa ilalim na ng modified general community quarantine (MGCQ) ang ilang lugar sa Western Visayas, kabilang na ang Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental at Bacolod City.

Sa ilalim ng MGCQ, pinapayagan na ang pagbubukas ng mas maraming negosyo at opisina ngunit limitado lamang ang operasyon at workforce at dapat ay nakakasunod sa minimum helath standards na itinakda ng pamahalaan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lalaine Moreno)

The post Balik-operasyon ng mga paliparan sa Western Visayas sa June 16, pinaghahandaan na ng CAAP appeared first on UNTV News.