Belmonte, nanindigan sa ipinaiiral na ‘no fitting’ at ‘no return, no exchange’ policy sa malls sa Quezon City

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Nanindigan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga polisiyang ipinatutupad sa ilang mall sa lungsod kasunod ng pagbubukas ng limitadong operasyon ng mga ito sa gitna ng community quarantine.

Kabilang sa mga polisiyang ito ang pagbabawal sa pagsusukat ng mga damit at ang ‘no return, no exchange policy’ o pagsasauli o pagpapapalit ng biniling produkto.

Ayon kay Belmonte, ang mga panuntunang ipinatutupad sa mga shopping mall sa lungsod ay bahagi ng precautionary measure laban sa novel coronavirus disease (COVID-19).

Giit ng alkalde, malaki ang tiyansa na makahawa sa iba kung infected ng virus ang nagsukat ng damit.

“Initiative ng city government ito, kasi alam naman natin na ang clothes store ay bukas na at alam din natin na pwedeng matransmit ang virus sa pamamagitan ng damit and the city government ay nagkusa na no trying of clothes, walang pagsusukat,” ani Belmonte.

Aniya, batid niyang maraming magagalit sa kanyang patakaran ngunit humihingi siya ng pang-unawa sa publiko dahil para din naman ito sa kapakanan ng mga residente sa lungsod.

“Sa tingin ko, dapat maunawaan nila na this is for their own health and welfare and syempre, kung bumili ka na, ang understanding dyan nasukat mo na hindi mo na sana pwedeng ibalik yun, gusto nating protektahan ang kalusugan ng ating mamamayan,” ani Belmonte.

Ang pahayag ay ginawa ng alkalde matapos punahin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nasabing polisiya sa ilang mall sa Quezon City.

Una nang sinabi ng DTI na labag sa batas ang ‘no return, no exchange’ policy dahil sa ilalim ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines, may karapatan ang mga mamimili na isauli ang nabiling produkto lalo na kung ito ay depektibo.

Payo ng ahensiya, magpulong ang mga lokal na pamahalaan, mall operators at ang Department of the Interior and Local Government upang ayusin ang nasabing panuntunan.

Iminungkahi rin ng DTI ang pagkakaroon ng uniformed protocols na ipatutupad sa mga mall upang maiwasan ang kalituhan sa publiko. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

The post Belmonte, nanindigan sa ipinaiiral na ‘no fitting’ at ‘no return, no exchange’ policy sa malls sa Quezon City appeared first on UNTV News.