Enrolment sa mga pampublikong paaralan, pinalawig hanggang July 15 – Malacañang

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Pinalawig hanggang Hulyo 15 ang enrolment sa mga pampublikong elementary at high school sa bansa.

Inanunsyo ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang televised press briefing ngayong Martes, June 30.

“Ang mabuting balita po mga magulang extended ang enrollment until July 15, pero pwede ba po na huwag na natin hintayin ang July 15,” ani Roque.

“Pwede ba ho ngayon kapag pupuwede na, i-enrol na natin ang ating mga anak. Huwag naman natin pong hayaan na matigil ang proseso ng edukasyon ng ating mga anak bagamat mayroon pong COVID-19,” dagdag pa niya.

Ngayong araw sana matatapos ang schedule ng enrolment sa mga paaralan para sa School Year 2020-2021 ngunit mas pinahaba ito upang mabigyan pa ng pagkakataong mag-enrol ang ibang mga mag-aaral.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd) na naitala bandang alas-8 ng umaga ngayong June 30, aabot sa 15,907,786 ang kabuuang bilang ng mga estudyante na nakapag-enrol para sa darating na pasukan.

Nasa 15,222,315 sa mga ito ang papasok sa public schools habang 672,403 naman sa private schools.

Ayon sa DepEd, 57% lamang ito ng kabuuang bilang ng enrollees noong nakaraang school year na umabot sa mahigit 27 milyon.

Umaasa ang kagawaran na madaradagan pa ang bilang na ito dahil hindi pa nakokolekta ang ibang enrolment forms na drop boxes, particular na sa mga liblib na lugar.

Sinabi rin ng DepEd na pati ang enrolment sa private schools ay papayagan ring ma-extend ng lagpas sa Hunyo 30.

Tiniyak naman ni DepEd Undersecretary Jess Mateo na papayagan pa rin naman ang late enrolment kahit walang extension alinsunod sa umiiral na polisiya.

“Ang patakaran natin kasi, as long as they comply with the 80 days calendar days na requirement. So, since ang pagbubukas naman ng paaralan natin ay sa August 24 pi-pwede pa silang mag-late enrollees,” ani Mateo.

Samantala, sinabi rin ng DepEd official na pinagtutuunan nila sa ngayon ang paghahanda sa mga guro para sa gagawing blended learning delivery.

“Madami pa hong gagawin eh, tapos kung saka-sakali ihahanda pa natin yung mga teachers kaya nga patuloy yung mga training natin sa mga guro,” ani Mateo. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Dante Amento)

The post Enrolment sa mga pampublikong paaralan, pinalawig hanggang July 15 – Malacañang appeared first on UNTV News.