Ilang LGU sa Metro Manila, nagpatupad ng lockdown dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Ilang lungsod sa Metro Manila ang nagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine measures bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng novel coronavirus disease (COVID-19) sa kani-kanilang lugar.

Sa Malabon City, inilagay ng lokal na pamahalaan sa enhanced community quarantine ang Sitio Sais sa Barangay Catmon hanggang Hunyo 21 dahil sa paglobo ng mga naiimpeksyon ng coronavirus disease.

Sa 22 na nag-positibo sa sakit sa Barangay Catmon, kalahati rito ang naitala sa Sitio Sais.

Ayon sa kapitan ng Barangay na si Brian Manapat, ang dikit-dikit na mga istruktura at mga bahay na hanggang limang pamilya ang nakatira ay marahil isa sa mga dahilan ng mabilis na hawahan ng mga may COVID-19.

“Ang nakakabahala dito yung mga PUI at PUMs nila napakarami na. Kaya talagang for lockdown na ni-request ko na,” ani Manapat.

Sa ilalim ng quarantine measure, bawal lumabas ng bahay ang mga residente, maging ang mga frontline workers.

Magsasagawa rin ng disinfection at contact tracing sa barangay sa loob ng limang araw.

Pinalawig rin ng Navotas City government ang umiiral na lockdown sa H. Monroy St. sa Barangay Navotas West.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, dahil ito sa tumataas na coronavirus infections na napapaulat sa lugar.

Aniya, sa 96 na sumailalim sa rapid antibody test ay 49 ang nag-positibo.

Ani Tiangco, sasailalim pa ang mga nag-positibo sa rapid test sa RT-PCR test upang makumpirma kung talagang dinapuan sila ng COVID-19.

Sa Taguig City naman, isinailalim sa enhanced community quarantine ang Purok 5 at 6 sa Lower Bicutan simula ngayong June 17 hanggang July 1 dahil pa rin sa lumulobong COVID-19 cases.

Magsasagawa ng active case finding ang lokal na pamahalaan kasabay ng paghikayat sa mga residente na agad ipagbigay-alam kung may nararamdamang sintomas ng sakit.

Sa lungsod naman ng Maynila ay ilalagay sa 48-hour lockdown ang mga Barangay 60, 163, at 844 simula June 19 hanggang 20.

Layon nitong makapagsagawa ng targeted testing at disease surveillance upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Sa tala ng Manila City government, nasa 10 ang nagpositibo sa Barangay 60, 22 sa Barangay 163, at dalawa sa Barangay 844. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rey Pelayo)

The post Ilang LGU sa Metro Manila, nagpatupad ng lockdown dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 appeared first on UNTV News.