Karapatan ng consumers, mas mapapangalagaan sa pagpaparehistro ng online sellers – DTI

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Malaking benepisyo sa mga consumer kung magpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang online sellers, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang panayam sa programang Get It Straight with Daniel Razon ngayong Lunes, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na mas mapapangalagaan ang karapatan ng mga consumer kung may datos na hawak ang pamahalaan hinggil sa operasyon ng online sellers.

Ani Castelo, noon pa man ay marami na silang natatanggap na reklamo laban sa online sellers at lumobo pa ito sa panahon ng community quarantine.

Aniya, marami ang sumabak sa pagbebenta ng produkto online matapos makansela ang pasok sa trabaho at operasyon ng pampublikong transportasyon dahil sa COVID-19 crisis.

Mula sa mahigit 900 reklamo laban sa online sellers mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay umakyat ito sa mahigit 8,000 mula Abril hanggang Mayo.

Karamihan aniya sa mga reklamo ay tungkol sa nabiling depektibong produkto o kaya ay pagpapataw ng mas mataas na presyo ngunit hindi naman nahahabol ang mga inirereklamong online sellers dahil nagpapalit lang ang mga ito ng pangalan o kaya ay tini-take down ang kanilang page.

Ani Castelo, maaaring maiwasan ang ganitong insidente kung naka-rehistro ang  negosyo at impormasyon ng online sellers.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kailangang makipag-ugnayan ng DTI sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation o ng Philippine National Police upang matunton ang IP address ng isang online seller kung may reklamo ang isang customer.

“Ang nagiging issue po for consumer protection, they are virtual, wala po silang physical address. So, web page lang or yung kanilang site sa internet hindi po natin masyadong napo-proteksyunan ang mga consumers dahil dito,” ani Castelo.

Binigyang-diin naman ni Castelo na ang panawagan ng BIR na pagpaparehistro sa online sellers ay para lamang makabuo ang pamahalaan ng database o registry ng online businesses upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa Consumer at Price Act at mapangalagaan din ang kapakanan ng consumers.

“Ang importante po mahihiram natin sa BIR at mate-trace natin, makaka-build po tayo ng database at mabi-build natin ang ating registry ng lahat ng online sellers, mas madali na po ang consumer protection na magagawa natin,” sabi ng opisyal.

Sinabi rin ni Castelo na boluntaryo ang pagpaparehistro dahil wala pa namang batas sa bansa na mag-oobliga sa registration ng online sellers

Sa panig naman ng BIR, iginiit nitong walang dapat ipangamba ang online sellers sa pagpaparehistro ng kanilang negosyo dahil hindi naman sila bubuwisan kung maliit lang ang kanilang kinikita.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang mga negosyong gumagamit ng digital platform o electronic commerce at kumikita ng mas mababa sa P250,000 sa isang taon ay hindi pagbabayarin ng buwis.

Ayon kay BIR deputy commissioner Arnel Guballa, layon lamang ng inilabas nilang memorandum circular kamaikailan na malaman kung sinu-sino ang online sellers at kung magkano ang kanilang kinikita.

Iginiit rin ni Guballa na malalaking online selling platforms ang target nilang buwisan.

“Ang gusto talaga namin later on na ita-tax ng gobyerno is yung malalaki, yung Lazada, Shopee, Netflix. ‘Yung gaya ng mga kababayan natin na nandyan lang sa bahay eh hindi naman po yun yung tinatrget itax ng BIR. Sila ay parte ng sistema na gusto namin makita ang data,” ani ng opisyal.

Binigyan-diin rin ng opisyal na sa ilalim ng National Internal Revenue Code, kailangang magpa-rehistro at magdeklara ng kinikita sa BIR ang sinumang may negosyo, mapa-pisikal man ito o online. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Joan Nano)

The post Karapatan ng consumers, mas mapapangalagaan sa pagpaparehistro ng online sellers – DTI appeared first on UNTV News.