LGUs, hinikayat maglagay ng bike lanes at road network para sa ‘new normal’

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government unit (LGU) na magpagawa ng bike lanes para sa mga manggagawang magbibisikleta papunta sa kanilang trabaho sa gitna ng community quarantine.

Sa isang advisory, inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga gobernador at alkalde na makipag-ugnayan sa kalapit na mga LGU upang maikunekta ang kan-kanilang bike lanes at makagawa ng bicycle road network.

“Dahil sa kakulangan ng pampublikong masasakyan, marami ang magbibisikleta patungo at pabalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Dapat handa ang mga bike lanes sa LGUs upang masiguro ang kaligtasan ng mga siklista,” ani Año.

Aniya, dapat alinsunod sa disenyo ng Department of Transportation ang designated bike lanes na lalagyan ng plastic bollards, stencil markings at signage para sa kaligtasan ng mga nagbibisikleta.

Sinabi rin ng kalihim na dapat walang nakaharang sa bike lanes upang maiwasan ang anomang aksidente at matiyak na mabilis ang biyahe ng mga siklista.

Sa Omnibus guidelines sa pagpapatupad ng community quarantine, hinihikayat ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang paggamit ng bisikleta at iba pang uri ng hindi de-motor na transportasyon.

“Ngayong tayo ay nasa new normal, hinihikayat natin ang bawa’t isa na gumamit ng mga bike. Mainam sa kalusugan ang pagba-bike, at tsaka, matipid pa.Hindi mo na kailangang bumili pa ng gasolina,” sinabi ni Año.

Inatasan din ng kalihim ang mga LGU na gumawa ng ordinansa na magpapataw ng parusa sa mga lalabag sa paggamit ng bike lanes upang maseguro na sumusunod sa regulasyon ang mga motorista at siklista.

Pina-alalahan rin ang mga LGU sa istriktong pagpapatupad ng health at safety protocols gayundin ang pagsusuot ng face masks ng mga taong gumagamit ng naturang lane at sa lahat ng pampublikong lugar.

“SOP na dapat ang pagsusuot ng masks at physical distancing sa mga pampublikong lugar. Masanay na tayo sa ganitong sitwasyon habang wala pang gamot at vaccine laban sa Covid-19,” sabi nito.

Samantala, nilinaw ng DILG na bawal pa rin sa lansangan ang motor taxis katulad ng Angkas kahit niluwagan na ang quarantine restrictions sa bansa.

“Alam po namin na marami pong umaasa sa Angkas at iba pang motor taxis para makarating sa kanilang trabaho at destinasyon ngunit dahil sa banta ng Covid-19, hindi pa rin pinahihintulutan ng gobyerno ang ganitong mode of transportation dahil sa violation ng physical distancing,” ayon sa DILG.

Ipinagbabawal din ang back-riding sa motorsiklo kahit sa mag-asawa bilang bahagi ng physical distancing measures dahil magkakaroon ng close contact sa pagitan ng dalawang tao na maaaring maging sanhi ng transmission ng Covid-19.

“Naiintindihan natin ang hiling ng marami nating kababayan kaya lang ang pagsakay sa likod ng motorsiklo ay isang malinaw na violation ng physical distancing at mahirap sa kapulisan na i-check ang bawa’t motorcycle kung mag-asawa nga ang nakasakay,” ayon sa kagawaran.

“Kung pahihintulutan naman natin ito, babahain tayo ng maraming violation mula sa mga hindi pinahihintulutan dito. Mas mataas ang panganib na idudulot sa kalusugan kaysa sa mga benepisyong makukuha dito,” dagdag pa nito.

Ilan sa mga maaring masakyan na iminungkahi ng DOTr sa post-pandemic period ay ang bisikleta at modernized PUVs dahil hindi masyadong magkakadikit ang mga tao dito at maiiwasan ang pagkalat ng virus sa mga pasahero.

The post LGUs, hinikayat maglagay ng bike lanes at road network para sa ‘new normal’ appeared first on UNTV News.