Mabigat na trapiko at hirap sa pagsakay, bumungad sa unang araw ng GCQ sa Metro Manila

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Mabigat na daloy ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA ang bumungad sa mga motorista sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Ito ay dahil sa bulto ng mga pribadong sasakyan, pampasaherong bus na ginamit sa augmentation program ng Department of Transportation (DOTr), at mga taxi at transport network vehicle service na pinayagan nang bumiyahe sa ilalim ng GCQ.

Nakadagdag rin sa pagsisikip ng trapiko sa kalsada ang pag-arangkada ng point-to-point (P2P) buses, shuttle services ng mga kumpanya at mga bisikleta.

Nagsimula na ring gamitin ngayong araw ng mga pampasaherong bus ang innermost lane ng EDSA.

Pero hindi natapos ang loading at unloading bay areas sa ilalim ng MRT-3 stations kaya apat na istasyon lang muna ang hihintuan ng mga bus upang magsakay at magbaba ng mga pasahero.

Ito ay ang North Avenue station, Quezon Avenue, Ayala at Taft Stations.

Batay sa patakaran ng Inter-Agency Task Force, limitado lang ang bilang ng mga pasaherong maaaring sumakay sa mga pampublikong sasakyan pang masunod ang panuntunan sa physical distancing.

Hindi rin lahat ng ruta ng pampasaherong bus ang pinayagang magbalik-pasada kaya pahirapan ang pagsakay ng mga pasahero.

May ilang pasahero na inabot ng ilang oras sa paghihintay ng masasakyan habang may iba namang naglakad na lang papasok sa trabaho.

Ang construction worker na si Jonathan Suico, madaling araw pa umalis sa Rizal ngunit naglakad rin pagdating sa may EDSA-Shaw Boulevard dahil walang masakyang bus papunta sa kanyang trabaho.

“Pupunta sana dun sa dulo kung may bus, eh ang masama nga eh, wala po eh. Wala pong magagawa po ma’am eh. Maglalakad na lang po,” ani Suico.

Humingi naman ng pang-unawa ang DOTr sa publiko sa limitadong transportasyon.

Ipinaalala rin ng kagawaran na naka-community quarantine pa rin naman ang Metro Manila at hindi pa maaaring lubusang magbalik-operasyon ang sektor ng transportasyon.

“Humihingi rin kami ng inyong pag-iintindi kasi nga ho, ‘wag nating kalimutan na tayo ay quarantine pa rin ho… At ang nangingibabaw po sa pagdating sa kagawaran ng transportasyon, ay ang inyong kalusugan, ang inyong kaligtasan,” ani Transportation Assistant Secretary Giovanni Lopez sa isang panayam sa UNTV ngayong Lunes.

Samantala, sinabi naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III na pinag-aaralan na nila ang paglalagay ng bus stops sa Cubao at Ortigas Station kung saan malaki ang bulto ng mga pasahero.

“Nakita natin na full force ngayong araw yung mga bus na binigyan natin ng special permit so tuloy tuloy,” ani Delgra.

Tulad sa mga tren, limitado lang din sa 50-porsyento ng kapasidad ng mga pampublikong sasakyan ang bilang ng mga pasaherong maaaring isakay.

Dapat rin ay nasusunod sa mga ito ang physical distancing at iba pang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease. – RRD (mula sa ulat ni Correspendent Harlene Delgado)

The post Mabigat na trapiko at hirap sa pagsakay, bumungad sa unang araw ng GCQ sa Metro Manila appeared first on UNTV News.