Mga stranded na pasahero sa NAIA, inilipat sa isang temporary shelter sa Pasay – DOTr

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Sa isang paaralan sa Pasay City pansamantalang mananatili ang mahigit sa 300 stranded na pasahero habang naghihintay ng masasakyan pauwi sa kani-kanilang probinsya.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), dinala muna sa Villamor Air Base Elementary School ang mga stranded na pasahero matapos ang ilang araw na pananatili sa ilalim ng isnag elevated expressway malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Karamihan umano sa mga ito ay naipit sa Metro Manila matapos abutan ng community quarantine habang nag-aasikaso ng mga papeles para sa aplikasyon sa trabaho sa ibayong dagat.

At dahil naantala na ang pag-proseso ng kanilang mga dokumento, pinapauwi na umano muna sila ng manning agency at tatawagan na lang kapag maayos na ang sitwasyon.

Nang payagan ng pamahalaan ang muling pagbubukas ng domestic flights para sa locally-stranded individuals, nagpuntahan ang mga ito sa NAIA bitbit ang kanilang mga ticket.

Ngunit pagdating sa paliparan, saka lang nila nalaman na kanselado pala o kaya ay nalipat ang schedule ng kanilang biyahe.

Bunsod nito, napilitan ang ilan sa kanila na maghintay na lamang malapit sa NAIA dahil wala naman anilang inilaang accommodation ang kanilang agency habang stranded sila sa Metro Manila.

Hindi rin sila pinapayagang makapasok sa airport terminals kung hindi pa nila schedule na umalis.

“Kami po y’ong nag-apply na mag-abroad tapos hindi po natuloy kaya na-cancel po kaya wala na po kaming matirhan. Exactly po talaga flight namin June 9 tapos nag-extend kasi po eh. Tapos wala na kaming mapuntahan kaya dito na lang po kami pumunta,” ang kwento ni Romarie Viola, isa sa mga locally-stranded individuals.

Bilang tugon sa sitwasyon, nagpadala ng mga tauhan ang Philippine Coast Guard at Pasay City Police noong Huwebes ng gabi para ilipat ang mga stranded nating kababayan sa isang paaralan sa Pasay na magsisilbi nilang temporary shelter.

Dito, makakakain sila at makakapag-pahinga ng maayos habang nakikipag-ugnayan sila sa airline companies at kaukulang local government units para sa kanila pag-uwi.

Samantala, nagbabala naman ang DOTr sa manning agencies na magpapabaya sa kanilang mga aplikante at tauhan.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary Eymard Eje, maaaring maharap sa kaso ang manning agencies kapag napatunayang tinatakasan nito ang kanilang obligasyon.

“Nakatanggap kami ng mga report na ito, dinadala dito ng mga manning agency nila para tumakas sa kanilang mga obligasyon. Kaya y’ong mga manning agency, binabantaan namin kayo, itigil ninyo na ‘yan dahil ‘pag nahuli namin kayo, sigurado katakot-takot na kaso aabutin ninyo,” ani Eje.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tutukan ang pagbibigay-ayuda at pagpapauwi sa lalawigan ng mga kababayang naipit sa Metro Manila sa gitna ng community quarantine.

Samantala, muli namang nanawagan ang Manila International Airport Authority sa mga pasahero na huwag pupunta sa mga paliparan kung hindi pa kumpirmado ang kanilang flight. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)

The post Mga stranded na pasahero sa NAIA, inilipat sa isang temporary shelter sa Pasay – DOTr appeared first on UNTV News.