Philhealth, maglalabas ng bagong benefit package para sa COVID-19 testing

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Mas mababa na ang halaga ng testing para sa novel coronavirus disease (COVID-19) sa bagong benefit package na ilalabas ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Sa iang pahayag, sinabi ng Philhealth na nagpasya itong i-adjust ang benefit package dahil sa tumataas na availability ng test kits sa merkado at pagdami ng pasilidad na kuwalipikadong magsagawa ng COVID-19 testing.

Ang hakbang ng Philhealth ay kasunod na rin ng batikos ng ilang mambabatas sa umano’y overpriced na coronavirus testing rate ng ahensya.

Sa bagong benefit package, sasagutin ng Philhealth ang P3,409 sa gastos sa COVID-19 testing kung ang serbisyo ay procured at provided lahat ng testing laboratory.

Nasa P2,077 naman ang sasagutin ng ahensya kung ang test kit na ginamit ng testing facility ay galing sa donasyon; at P901 kung ang test kit ay galing sa donasyon, at ang gastos sa pagpapatakbo ng laboratory at ginamit na RT-PCR machine ay kasama sa pondo ng pasilidad.

Mas mababa ito kumpara sa dating COVID-19 testing rates ng Philhealth na nasa P2,710 hanggang P8,150.

Sinabi rin ng Philhealth na sakop ng bagong package ang gastos sa mga serbisyong may kinalaman sa COVID-19 testing gaya ng gagamiting personal protective equipment (PPE).

“The package is for costs attributable to services related to testing such as clinical assessment, specimen collection, specimen transport and materials such as PPEs and test kits,” ayon sa ahensya.

Tiniyak ng Philhealth na mailalabas ang bagong benefit package at guidelines nito sa lalong madaling panahon. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)

The post Philhealth, maglalabas ng bagong benefit package para sa COVID-19 testing appeared first on UNTV News.