PNP, iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang duktor matapos sumailalim sa disinfection process

Robie de Guzman
Dr. Casey Gutierrez

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa pagkamatay ng isa nitong duktor matapos umanong makalanghap ng kemikal na ginagamit bilang disinfectant.

Ayon kay PNP chief General Archie Gamboa, layon ng imbestigasyon na alamin kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni Dr. Casey Gutierrez at kung sino ang dapat managot sa insidente.

“I directed Gen. Cascolan to investigate the administrative flow of this quarantine areas… both PICC and Ultra, lahat doon are being managed by Office of the Civil Defense (OCD). So it is the OCD who will put in their service providers. It is the OCD who has the power to procure and determine the service provider they want,” ani Gamboa.

Noong Marso, si Gutierrez at apat na iba pang indibiduwal ay sinasabing sumailalim sa isang disinfection process matapos mag-asikaso ng mga pasyente sa quarantine facilities sa Ultra sa Pasig City.

Nakaranas umano ng hirap sa paghinga si Gutierrez at isinugod sa PNP General Hospital. Inilipat ito sa Lung Center kung saan siya binawian ng buhay matapos ang limang araw.

Naospital rin ang ang iba pang nakasama niya nang sumailalim sa disinfection process ngunit ligtas na ang mga ito sa kapahamakan.

Ayon kay Gamboa, aalamin sa kanilang imbestigasyon kung purong kemikal ang nai-spray kay Gutierrez, paano inihanda ang ginamit na decontamination solution, at kung ito talaga ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Kaya nalanghap nya yun at ultimately he died. There are other incidents pero hindi pa naman siya conclusive talaga na it’s because of the chemical,” ayon sa PNP chief.

Tiniyak rin ng hepe ng pambansang pulisya na pinalitan na nila ng organic formula ang ginagamit na decontamination solution sa quarantine facility.

Paglilinaw naman ni Gamboa, ang kanilang imbestigasyon ay hiwalay sa isasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Umaasa ang PNP chief na titingnan ng NBI ang lahat ng anggulo sa insidente, kabilang na ang supplier ng ginamit na decontamination solution.

“I hope the NBI, if they acquired jurisdiction over the case, I hope they will include everything from the service provider from the OCD hanggang sa PNP. Isali nila lahat… primarily to find who is responsible but the second objective also is to improve our system,” ani Gamboa. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

The post PNP, iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang duktor matapos sumailalim sa disinfection process appeared first on UNTV News.