PNP, may 2 buwang palugit sa pagpaparehistro ng expired na lisensya ng baril

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Posibleng magbigay ng dalawang buwang palugit ang Philippine National Police (PNP) para sa pagpaparehistro ng mga lisensya ng baril na nag-expire mula March 17 hanggang May 31 dahil sa community quarantine kaugnay ng novel coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay PNP chief General Archie Gamboa, wala ring ipapataw na penalty sa mga nag-expire na firearm licenses sa mga nabanggit na buwan.

“A month or two, we will recalibrate how fast also we can process kasi baka matambakan kami, sabihin namin mag renew kayo dapat within one month e hindi naman namin kaya ang workload so we have to revisit how many licenses have actually expired and what will be our rate in processing per day,” ani Gamboa.

Ayon sa hepe ng pambansang pulisya, sa June 4 na sisimulan ang processing ng aplikasyon at registration para sa lisensya ng baril kasabay ng muling pagbubukas ng frontline administrative functions at regulatory services ng PNP.

Maaaring iproseso ang aplikasyon para rito sa Firearms and Explosives Office (FEO), Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), One-Stop-Shop Office (OSS) and Regional Civil Security Units (RCSU) ng PNP.

Ngunit paalala ni Gamboa, by appointment ang gagawin upang malimitahan ang bilang ng aplikasyon kada araw.

“We will devise scheduling so that we can control the population in any of the different offices of the PNP… Kasi hindi naman kami exempted. We have to observe yung social distancing at mass gathering under GCQ (general community quarantine),” ani Gamboa.

Sa gate pa lang ng Camp Crame, kailangang mag-fill out ang aplikante ng contact tracing form na papipirmahan sa nakausap na tauhan ng PNP.

Iiwanan ito sa gate bago lumabas ng kampo.

Paliwanag ni Gamboa, layunin nito ang mapabilis ang contact tracing sakaling may magpositibo sa COVID-19. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

The post PNP, may 2 buwang palugit sa pagpaparehistro ng expired na lisensya ng baril appeared first on UNTV News.